Mayorya ng NUP solons pabor sa Sara impeachment – Puno

MANILA, Philippines — Hindi bababa sa 30 sa 55 miyembro ng National Unity Party (NUP) ang inaasahang boboto pabor sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte na maaaring magtulak sa kabuuang “yes” votes hanggang 180, ayon kay House Deputy Speaker at Antipolo 2nd District Rep. Ronaldo Puno nitong Miyerkules.
Si Puno, na siya ring chairman ng NUP, ay naghayag nito isang araw matapos ipaalam na ang partido ay gagamit ng “conscience vote” sa halip na maglabas ng iisang posisyon sa impeachment.
“The majority [of us in NUP] is in favor of sending this to the Senate. We have a hardcore group that is still opposed to the proposal, and some who want to abstain,” ani Puno sa isang Zoom press conference.
Dagdag pa niya, mayorya ng NUP members ang sumusuporta sa pagpapadala ng Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Duterte sa Senado, kung saan hindi bababa sa 30 kongresista ang nakahandang bumoto pabor.
Ayon kay Puno, maaaring umabot sa 180 ang mga mambabatas na boboto para sa impeachment na higit pa sa kinakailangang one-third ng 318-member House—dahil inaasahang susuporta ang malalaking partido sa pagpapadala ng kaso sa Senado para sa paglilitis.
“If you count Lakas-CMD with 60 votes, then 30 for us in NUP, and Partido Federal has 51 members—even if you just count 30 for Partido Federal, the number is already at 120. NPC has 49 members; if you count 30 for NPC, that brings it to 150,” paliwanag ni Puno.
“Then there are 63 party-list lawmakers, whose majority is really in favor of impeaching the Vice President. If there is a majority, that’s already good. I suspect it will be about 180,” dagdag pa niya.
Ang Lakas-CMD ay pinamumunuan ni dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez habang ang Partido Federal ng Pilipinas ay partido ng Pangulo. Ang Nationalist People’s Coalition (NPC) ay pinamumunuan sa Kamara ni Deputy Speaker Jayjay Suarez ng Quezon.
Kasama rin sa majority coalition ang Nacionalista Party, bagama’t mas maliit ang bilang ng mga miyembro nito kumpara sa ibang malalaking partido.
Noong Martes, umabot na sa plenaryo ng Kamara ang committee report sa Articles of Impeachment laban kay VP Sara matapos itong i-refer sa Committee on Rules.
Inaasahang itatakda ng Rules panel ang plenary debates at botohan, na maaaring maganap sa Mayo 11.
- Latest


















