Peace talks sa CPP-NPA-NDF ibinasura ni Teodoro

MANILA, Philippines — Ibinasura ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang panukalang buhayin muli ang nabalam na peace talks sa CPP-NPA-NDF sa pagsasabing nasa landas na ng kapayapaan ang mga Pilipino.
Sinabi ni Teodoro na ang NPA rebels, ang armed wing ng CPP-NDF ay patuloy sa paghahasik ng terorismo na sinisira ang kapayapaan sa kanayunan kaya’t hindi dapat magpalinlang ang gobyerno sa mga ito.
“The group’s actions are criminal and terrorism and not a legitimate political struggle,” punto ni Teodoro kung saan kung bubuksan muli ang peace talks sa komunistang grupo ay mistulang ginagawang lehitimo ng gobyerno ang karahasan ng mga ito.
Ginawa ni Teodoro ang pahayag kaugnay ng pagsusulong ni Presidential Peace Adviser Mel Senen Sarmiento ng kakaibang pamamaraan sa lokal na peace talks at reintegration programs.
Ang nasabing istratehiya na nais ni Sarmiento ay nakapokus sa diyalogo sa antas ng komunidad, amnestiya at suporta sa serbisyo na naglalayong matugunan ang ugat ng armadong pakikibaka at hikayatin ang mga rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan.
Ang panukala sa pagbuhay muli ng peace talks sa komunistang grupo ay matapos ang pagkasawi ng 19 katao sa engkuwentro ng militar sa mga rebeldeng NPA sa Toboso, Negros Occidental nitong Abril 19.
Kabilang sa mga nasawi ang UP student na si Alyssa Alano at community journalist na si RJ Ledesma.
- Latest

















