Marcos tiniyak mas maraming trabaho
MANILA, Philippines — Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga manggagawang Pilipino at kinilala ang mahalagang papel ng mga ito sa pag-unlad ng bansa kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.
Sa mensahe ng Pangulo, binigyang-diin niya na ang mga manggagawa ang nagsisilbing gulugod ng republika, anuman ang oras at uri ng kanilang trabaho.
Sa kabila aniya ng pag-unlad ng teknolohiya at pagbabago sa mga industriya, nananatiling mahalaga ang kontribusyon ng bawat Pilipinong manggagawa.
Iginiit ni Marcos na sa pamamagitan ng sipag at sakripisyo ng mga manggagawa, nagkakaroon ng katatagan ang mga pamilya at lakas ang buong bansa.
Hinimok naman ng Chief Executive ang pamahalaan at pribadong sektor na patuloy na magtulungan upang matiyak na ang pagsusumikap ng mga manggagawa ay may katumbas na gantimpala at oportunidad.
Tiniyak din ng Pangulo na mananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang paglikha ng mas maraming trabaho, pagpapalakas ng proteksyon sa mga manggagawa, at pagbibigay ng mas malawak na oportunidad para sa lahat.
- Latest




















