Mga itlog, balut, penoy itinatapon na lang

‘Di maibenta sa taas ng krudo
MANILA, Philippines — Itinatapon na lang ang tambak na mga itlog, penoy at balut na hindi na maibenta dahil sa epekto ng mataas na presyo ng petrolyo at mababang demand mula sa farm hanggang sa ordinaryong retailer stores.
Batay sa nag-viral na video sa social media post ng GMA News, ang mga itlog, penoy at balut ay nakatambak sa basura dahil hindi naibenta ng isang farm sa Candaba, Pampanga.
May mga video rin na ipinamimigay ng libre ang mga tray ng itlog upang mapakinabangan ng mga kababayan sa kanilang lugar.
Reklamo ng mga nagpapatakbo ng farm, wala nang humahango sa kanilang mamimili dahil sa matumal na bentahan at hindi rin nakakapagbiyahe para i-deliber ang mga itlog dahil sa mataas na presyo ng diesel.
Nangangamba rin ang mga empleyado ng farm na mawalan sila ng trabaho kung patuloy pa ang pagbagsak ng bentahan na mauuwi sa pagtigil ng operasyon.
Sa bagsakan ng itlog o egg dealer sa Blumentritt sa Maynila, reklamo rin ang pagbagsak ng kanilang benta kahit mas mababa na ng P10.00-P20.00 ang bigay nilang presyo sa kada-tray.
Napansin nila na ang dating tatlong araw na nauubos ang kanilang stock ay umaabot na ngayon ng isa hanggang dalawang linggo. Idinadaing naman ng mga humahango o retailer ng itlog na kaunti na lang ang kita nila matapos mahigit kalahati ang ibinagsak ng bentahan.
Paliwanag ng isang retailer, kung dati ay 50 tray ang hinahango nila, ngayon ay nasa 24 tray na lang, at mas matagal na naibebenta. Ang mga kustomer nila na dati ay bumibili ng isang tray, sa ngayon ay ilang piraso na lang kahit walang pagtataas sa presyo.
Sa palengke sa Quezon City, ang small size na itlog ay nasa P8.00 kada piraso; P8.50 ang medium; P9.00 ang large; esxtra large ay P9.50; at P10.00 sa jumbo.
- Latest















