Tulfo isusulong sapat na tulong sa mga liblib na bayan sa Palawan
MANILA, Philippines — Bilang kauna-unahang senador na personal na bumisita sa iba’t ibang malalayong isla sa Palawan, nangako si Sen. Erwin Tulfo na isusulong ang sapat na alokasyon ng pondo para sa mga ospital at mahahalagang imprastruktura sa lalawigan.
Nag-ikot at personal na nakipag-usap si Sen. Tulfo sa mga residente ng 12 munisipalidad sa lalawigan, kabilang ang Aborlan, Narra, Quezon, Kalayaan, Busuanga, Coron, Linapacan, Agutaya, Magsaysay, Cuyo, Roxas, Araceli, at Dumaran.
“Inuna na nating ang mga lugar na hindi naaabot ng serbisyo ng gobyerno,” wika ni Tulfo, Vice Chairman ng Committee on Finance.
“Halimbawa, may mga local leaders, tulad nung sa Magsaysay, Cuyo, at Dumaran ang nagsabi sa akin na ako ang kauna-unahang senador ng Republika ng Pilipinas na bumisita sa kanila. Napaisip ako, paano natin malalaman ang pangangailangan ng tao kung hindi natin sila kakausapin nang harapan?” dagdag pa ng senador.
Nakita ni Tulfo ang matinding kakulangan sa mga pasilidad pangkalusugan, kalsada, at mga pasilidad para sa sports at wellness. Higit sa lahat, maraming isla ang walang ports—isang malaking problema na dahilan kung bakit hindi agad madala sa ospital ang mga pasyente tuwing may emergency at humahadlang sa mga lokal na ilabas ang kanilang produktong pangkabuhayan.
Anya, kung alam natin kung nasaan ang mga proyekto, madali itong matututukan at mababantayan ang implementasyon nito bilang bahagi ng oversight powers ng Senado.
- Latest


















