Mga bashers ng gobyerno magtika muna - Castro
MANILA, Philippines — Pinayuhan ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang mga bashers o kritiko ng administrasyon na magtika at iwasan muna ang pamumulitika ngayong Semana Santa.
Sinabi ni Castro, na ang mga bashers ay walang maibibigay na matinong kasagutan o matinong opinyon.
Subalit sa panahon ngayon aniya, ay iwasan muna ang pamumulitika kung wala silang masasabing maganda at kung hindi puro paninira lamang.
“Tumigil muna sila o tumigil na sila permanently at makipagtulungan na lamang po sa administrasyon para sa ikaaangat ng ating bansa at ikaaangat din po ng bawat Pilipino,” saad pa ni Castro.
Giit pa niya na ang mga bashers ngayon ay puro pansariling interes lang para magiba o masira ang gobyerno, subalit hindi ito napapanahon ngayon dahil sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating bansa.
Sa tanong naman kung ipagdadasal ni Castro ang kanyang mga bashers, lahat aniya ng makasalanan sa mundo ay dapat ipagdasal.
“Lahat po, lahat ng makasalanan. Lahat ng makasalanan sa mundo ay dapat ipagdasal,” sabi pa ni Castro.
- Latest
















