Sara-Baste tandem sa 2028 polls inilutang
MANILA, Philippines — Inilutang ng mga tagasuporta ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang tambalan ng magkapatid na sina Vice President Sara Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa 2028 presidential elections.
“My fearless forecast for 2028 elections: President: Sarah Zimmerman Duterte; Vice President: Sebastian Zimmerman Duterte. Suportahan na natin ito, para sa bayan ito!” saad sa Facebook post ni Atty. Israelito Torreon sa gitna ng pagdiriwang ng mga supporters ng mga Duterte sa ika-81 taong kaarawan ng dating pangulo sa Davao City.
Si Torreon ang nanguna sa paghahain ng petition for certiorari sa Korte Suprema para ipatigil ang impeachment process laban sa Bise Presidente.
Una nang nagdeklara si VP Duterte na tatakbong pangulo sa 2028.
Kasunod nito ang paglutang ng tambalan ni VP Sara kina Senators Robin Padilla, Rodante Marcoleta, Bong Go at Imee Marcos.
Wala pang pahayag ang magkapatid na Duterte sa mungkahi ni Torreon.
Pero nilinaw ni VP Sara na hindi pa niya iniisip at pinagpaplanuhan sa ngayon ang presidential elections.
“Sa ngayon, hindi ko muna iniisip. Although nag-declare na ako ng aking kandidatura. I am a presumptive candidate for the 2028 presidential elections,” ayon kay VP Sara, sa media interview sa Davao City kamakalawa. “Pero hindi ko pa ‘yun pinagpaplanuhan sa ngayon.”
Giit pa ng Bise Presidente, gaya ng mga reklamong impeachment na kanyang kinakaharap, hindi rin aniya niya prayoridad ang halalan sa ngayon.
- Latest


















