Kamara handa kung papasaklolo uli sa SC si VP Sara

MANILA, Philippines — Handa umano ang Kamara sakaling magpasaklolo muli si Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema upang maiwasan ang impeachment complaints laban sa kanya.
Ayon kay Ako Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, Chairman ng House Committee on Public Accounts at miyembro ng Justice panel, ebidensya ang magsisilbing basehan at hindi pulitika sa isasagawang mini trial sa impeachment laban kay VP Sara na itinakda sa darating na Miyerkules, Marso 25.
“Rules-based, evidence-based ang bawat hakbang ng Komite. Lahat ng ruling ay nakaangkla sa ebidensya at sa umiiral na batas,” ani Ridon.
“And if the matter is brought before the Supreme Court, handa po ang Komite na ipagtanggol ang proseso nang maayos, patas, at naaayon sa Konstitusyon,” giit nito.
Kasama umano sa mga pinagbatayan sa reklamo ang report ng Commission on Audit (COA) at mga lumabas na ebidensya sa mga nakaraang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability kung saan nakita ang mga kuwestyunableng paggamit ng confidential funds.
Sinabi rin ni Ridon na mula 2007 hanggang 2024, ang tinatayang kita ni Duterte ay nasa P30 milyon hanggang P40 milyon lamang, pero sa kanyang idineklarang networth sa kanyang 2025 SALN ay lumaki ito ng P88 bilyon.
“Hindi ho ito haka-haka. These are official audit findings,” ayon pa kay Ridon na iginiit na ang confidential funds ay hindi maaaring gamitin sa team building.
- Latest




















