Fuel price hike sisilipin sa Kamara

Stock ibinebenta sa ‘war time’ na presyo
MANILA, Philippines — Pumaldo nang sobra-sobra ang mga oil companies dahil ang pre-war na mga produktong petrolyo ay ibinebenta ng mga ito sa war time na presyo.
Ito ang ibinunyag ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na isinuhestiyon sa pamahalaan na makatarungan lamang na ang sobrang kinita ay ibalik sa taumbayan sa pamamagitan ng rebates.
Sinabi ni Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, maraming mga konsyumer ang nagtatanong kung bakit ang pump process ay umabot na sa ‘war time levels‘ gayong ang mga langis na ibinebenta sa mga lokal na istasyon ay nabili ng mas maaga pa bago pa man ang krisis sa Middle East.
“Kung ang stock ng langis ay nabili noong mura pa, bakit ang presyo sa gasolinahan ay parang may giyera na agad? Ang tanong ng taumbayan ay simple: bakit war-time ang presyo kung pre-war ang biniling langis?” kuwestiyon ng solon.
Sa pahayag ng Department of Energy (DOE), ang mga oil companies ay may isang buwang fuel stocks bago pa man ang first round ng presyo nito na ipinatupad noong unang bahagi ng Marso.
“Hindi naman tayo tutol sa patas na negosyo. Pero kung ang tubo ay nagmumula sa pagkakataong pahirapan ang mamamayan, hindi na negosyo iyon. Pananamantala na iyon,” ayon sa kongresista.
Sinabi ni Chua, miyembro rin ng Committees on Transportation and Economic Affairs, susuriin ng Kamara ang bagay na ito sa ipatatawag na oversight hearing kung kinakailangan matapos na maghain na ng mga resolusyon ang ilang mambabatas upang silipin ang fuel price hikes.
“The goal of Congress and consumer groups will be to determine the real impact of these price increases and ensure that Filipino consumers are not being taken advantage of,” sabi pa ng solon.
- Latest


















