Mas mataas na electricity rates sa Abril, asahan na – ERC

MANILA, Philippines — Inaasahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) na higit pang tataas ang electricity rates sa bansa sa Abril, bunsod na rin nang pagsapit ng panahon ng tag-init at nang nararanasang malakihang oil price hike dulot ng giyera sa Middle East.
Ayon kay ERC chairperson Francis Saturnino Juan, kabilang din sa inaasahan nilang magpapataas sa presyo ng kuryente ay ang mas mataas na shipping costs para sa oil, coal, at natural gas na ginagamit sa mga power plants sa bansa.
“Inaasahan natin na baka ngayong taong ito dahil sa nangyayaring giyera diyan sa Middle East, mas magiging mataas ang itataas [ng kuryente] nitong summer months,” ani Juan.
Aniya, karaniwan na ang pagtaas ng power rates kapag tumataas ang demand dito dahil sa panahon ng tag-init.
Gayunman, dahil sa pagtaas na presyo ng mga produktong petrolyo ay inaasahang mas malaki pa ang itataas nito sa ngayon.
Batay sa pagsusuma ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines, na siyang nag-o-operate ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM), makikitang ang pagtaas ay maaaring umabot ng mula P2 hanggang P4 kada kilowatt-hour (kWh).
Ayon pa kay Juan, inaasahan nilang mararamdamang ang naturang increased electricity rates sa buwan ng Abril.
- Latest


















