^

Bansa

Adbokasiya nina BGB at MGB 40 taon nang bumibida

Lanie Mate - Pilipino Star Ngayon
Adbokasiya nina BGB at MGB 40 taon nang bumibida

MANILA, Philippines —  Bidang-bida na kung ituring noon pa man si Mrs. Betty Go-Belmonte, na isang tanyag sa kanyang pagiging beteranong journalist, publisher, at ­philantropist sa bansa noong kanyang kapanahunan.

Kilala sa kanyang pagiging makatao, matapang sa paninindigan para sa karapatan ng mga Pilipino, at laging bukas ang palad pagdating sa pagtulong sa kapwa, lalo sa kanyang mga empleyado. Higit sa lahat may takot sa Diyos.

Siya ay isang inspirasyon sa maraming mga Pinoy, lalo na sa larangan ng pamamahayag at publikasyon.

Bilang isa sa founder at editor-in-chief  ng ­Philippine Daily Inquirer noon, si Ma’am Betty na kilala sa tawag na BGB ,ang naging boses sa nagpupuyos at pumipiglas na damdamin ng mga Pilipino upang labanan at isiwalat ang pagmamalabis ng gobyerno sa mga kamay ng dating Pres. Ferdinand E. Marcos, Sr. noon dahil sa pinairal na Batas Militar.

Bagama’t kalaunan ay bumitaw rin si Mrs. Belmonte sa Inquirer, ngunit hindi tumigil si Ma’am Betty sa pakikibaka at sumama sa mga rally. Katuwang niya si dating Pres. Corazon “Cory” Aquino na kanyang BFF upang makiisa sa mapayapang kilos protesta sa makasaysayang Edsa People Power.

Itinatag ni Mrs. Belmonte ang Ang Pilipino ­NGAYON (APN) March 17, 1986, sakto pagkatapos ng 19 araw nang ilunsad ang EDSA ­Revolution, itinatag upang suportahan ang bagong administrasyon ni dating Pres.Cory pagkaraan nga ng pagpapatalsik sa diktador na si Pres. Marcos, Sr.

Ang tanging hangad lamang ni Belmonte ay makapagsilbi sa ba­yan sa pamamagitan ng paglalathala ng APN, na noon pa man ay mahigpit nang bilin sa lahat ng mga reporters at editors na pawang katotohanan lamang at parehong panig palagi ng report ang ihahayag.

Kung kaya ang halaga ng diyaryo ng APN noon ay P1.00. Korek, piso lamang ang presyo. Bagama’t hindi ito pabor kung negosyo ang pag-uusapan. Dahil sadyang literal na sa  mga empleyado at circulation printing lamang napunta ang gastos ng pahayagan noon.

Kasunod na itinatag naman ni Mrs. Belmonte ang The Philippine STAR noong July 28,1986 bilang flag carrier ng Star Group ng kompanya.

Hands on si Mrs. Belmonte sa pagpapatakbo ng opisina. Pamilya ang trato nito sa kanyang mga empleyado. Ubos din palagi ang personal nitong pera dahil sa walang sawa niyang pagtulong kapag may problema o emergency ang mga empleyado at mga taong lumalapit sa kanya.

Walang palya ang Bible study noon tuwing Huwebes na hiling niya ay makinig ang mga empleyado. Hanggang ngayon ay mayroon pa ring Daily Bread na nababasa sa Pilipino Star NGAYON. Libre rin ang pamimigay ni Ma’am Betty ng Bible noon.

Ipinagbawal niya ang mahahalay at hubad na larawan, upang protektahan ang dignidad ng mga kababaihan.

Ayaw tumanggap ng Ads ni Mrs. Belmonte. Kaya walang advertising department noon. Dahil gusto lang ni Mrs. Belmonte ay maghatid ng mga balita at impormasyon para sa mga readers. Pumayag lamang si Mrs. Belmonte na magkaroon ng Ads sa mga pahina, sa kondisyon na ang ilang bahagi ng kikitain ng diyaryo ay ibabahagi rin sa mga ­nangangailangan.

Kaya naisipang itatag ni Mrs. Betty ang Damayan Foundation, bilang humanitarian arm ng Star Group companies. Upang magkaroon ng sistema ang kompanya kung paano lalong makatutulong sa ating bayan.

Mula noon ay hindi matatawaran ang pagtulong ng PSN sa pamamagitan ng Damayan Foundation para sa Pilipinas mula sa panunungkulan pa ni Mrs. Betty na hanggang sa Pilipino Star NGAYON sa pangunguna ng kanyang anak na si CEO Miguel G. Belmonte.

Sa loob ng apat na dekada ng pahayagan sa pamumuno ng pamilyang Belmonte, ang pagtulong sa mamamayan at bansa ng PSN ay walang patid bilang pagbabalik pasasalamat ni Mrs. Betty sa Panginoon noon pa man.

Sabi nga nila, sumanib ang “spirit” ni Mrs. Betty sa kanyang anak na si Sir Miguel. Dahil kung gaano kababang loob, magiliw, kalmado, at paano maki­salamuha si Mr. Belmonte, sa mga empleyado, ahente, mga kliyente, at mga simpleng mamamayan ay para mo na rin nakaharap ang kanyang namayapang butihing ina.

Hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy ni MGB ang hangarin ng kanyang ina, na ibalik ang pagpapalala sa  sambahayang Pilipino.

Mula noon ay patuloy ang magpapagawa ni MGB ng mga classrooms o building ng mga schools. Mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Kahit pa ang kasuluk-sulukang eskuwelahan o bayan sa mga bundok na hindi naaabot ng sinoman ay inaakyat at ginagalugad ni MGB katuwang din ang kanyang maybahay na si Ma’am Milette, at ng Damayan voluteers.

Sa loob ng 40 years, sa  mga nagdaang bagyo, unos, kalamidad, lindol, sunog, landslide, medical missions, blood donations, pagbibigay ng gamot, at iba pang trahedya. Gaya ng nakalipas na pandemic ay nariyan si MGB. Nagkaloob ito ng ayuda para sa drivers na nawalan ng biyahe sa Pier 15, Manila. Marami na ring pasyente ang naipagamot at naabutan ng tulong mula sa iba’t ibang sangay ng ahensiya ng gobyerno. Madalas din magbigay ng pinansyal na assistant si MGB, sa mga atleta lalo na sa mga baguhan.

Si MGB ay laging handa, upang personal na iabot ang mga tulong sa ating mga mamamayan. Bilang kanyang pakikiramay at pakikinig sa kanilang hinaing na pangangailangan. Mabilis din itong agad  na inaaksyonan ni Mr. Belmonte sa abot ng kanyang makakaya.

Sa loob din ng 40 years ay palagi ring ipinaglalaban ni MGB na hanggang maaari ay huwag itaas ang presyon ng PSN. Kahit mas tumaas na rin ang bilihan ng rolyo ng papel sa merkado at iba pang gastusin sa paglilimbag nito.

Ilang high school at college students na rin sa buong bansa ang nakapagtapos ng kanilang pag-aaral. Upang mailayo ang ating mga kabataan sa masasamang bisyo o droga. Ito ay mula sa scholar program ng kompanya na ngayon ay may kanya-kanya na ring trabaho ang mga indibidwal, na ang ilan ay emplyado na rin ng opisina.

Nagbago man ang panahon ng paghahatid ng balita. Bagama’t sumasabay at hindi pa rin nagpapahuli ang PSN, maging ito man ay sa online platform ng pagbabalita. Ngunit aminin natin, wala pa ring katumbas ang simpleng kasiyahan na mabasa ang diyaryo sa ating mga palad.

Salamat din sa aming mga advertisers, mga naging news boy, at mga ahente ng PSN sa buong ‘Pinas.

Salamat po sa 40 years na pagbabasa ng PSN na katumbas din ng sama-sama nating walang humpay na pagbabahagi ng tulong sa sambayang Pilipino.

Ang hamon ni MGB, kung hanggang saan man pahihintulutan ng Panginoon ang paglalathala ng PSN, sa pamamagitan ng inyong patuloy na pagtangkilik; kayo na aming minamahal na readers. Hanggang sa huli, hindi bibitaw at titindig si Miguel Go-Belmonte, sa gabay at awa ng Panginoon; para ituloy ang sinimulang magandang adhikain ng kanyang inang si Mrs. Betty, sa pagtulong at pagmamahal sa ating inang bayan.

BETTY GO-BELMONTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with