PNP iimbestigahan pagsasara ng mga gas station

MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang dahilan ng pagsasara ng ilang mga gasoline station kasunod ng pagtataas ng presyo ng petrolyo.
Ayon kay Nartatez, inatasan na niya ang mga hepe ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at sa Department of Energy (DOE) para alamin ang mga dahilan ng biglaang pagsasara ng ilang gasolinahan.
Pinangangambahan ang umano’y hoarding at price manipulation sa presyo ng petrolyo.
“We in the PNP fully understand the situation that gas station owners face amid the challenges brought by the situation in the Middle East,” ani Nartatez.
Una nang humiling ng tulong ang DOE sa PNP sa pagmamanman at pagtugis sa mga gasolinahan na umano’y sinasamantala ang sitwasyon sa Middle East.
Nabatid na maraming gasoline station ang biglaan na lamang nagsara matapos ang anunsiyo ng price hike.
Tiniyak din ni Nartatez na dinoble ng PNP ang kanilang pagsisikap bilang tugon sa mga alalahanin ng publiko, lalo na ng mga motorista na pigilan ang hoarding at profiteering sa gitna ng nagpapatuloy na pandaigdigang krisis sa langis.
Mahigpit ding binabantayan ng pamahalaan ang suplay at presyo ng fuel, lalo na matapos ang kamakailang volatility sa merkado ng Middle East na nagdulot ng pangamba sa posibleng kakulangan ng suplay.
- Latest



















