Agarang paghihigpit ng sinturon dahil sa gulo sa Middle East, iginiit
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na agad magpatupad ng mga agresibong hakbang sa pagtitipid, kasabay ng babala na ang patuloy na sagupaan sa Gitnang Silangan ay maaaring magdulot ng seryosong panganib sa katatagan ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Gatchalian, ang pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado ng langis at ang labis na pagdepende ng Pilipinas sa imported na krudo ang naglalagay sa bansa sa mas maselang sitwasyon.
Kabilang sa paghihigpit ng sinturon ang ilang energy-saving measures, bukod pa sa four-day work week na sinimulan nang ipatupad ng maraming ahensiya ng gobyerno.
Sinabi ng senador, maaari ring bumuo ng plano ang pamahalaan upang isulong ang carpooling at ang pagbabalik sa mga virtual meeting na nakasanayan noong panahon ng pandemya ng COVID-19.
Dagdag pa niya, maaari ding limitahan ng mga ahensiya ng gobyerno ang mga opisyal na biyahe, suspindihin ang mga aktibidad na hindi gaanong mahalaga, at ipagpaliban muna ang pagbili ng mga sasakyan o pag-upgrade ng kagamitan na hindi naman kritikal upang makatipid sa enerhiya at mabawasan ang gastos sa operasyon.
“Kailangan ng gobyerno na mas maghigpit pa ng sinturon dahil hindi natin alam kung kelan matatapos ang gulo sa Gitnang Silangan at magiging malaking dagok ito sa ekonomiya kung magpapatuloy ang kaguluhan doon,” anang senador.
Ipinunto ni Gatchalian na anumang maliit na hakbang, kapag sama-samang ipinatutupad ay malaking ambag para sa kabuuang katatagan ng ekonomiya.
- Latest



















