2 Pinay inaresto sa UAE

MANILA, Philippines — Kabilang ang dalawang Filipina sa 25 dayuhang mamamayan na ipinaaresto ni UAE Attorney-General Dr. Hamad Saif Al Shamsi dahil sa umano’y paglalathala ng mga mapaminsalang digital content sa social media sa gitna ng tensyon na nararanasan ng bansa.
Base sa post ng UAE Labours at ng Gulf News, ang grupo ay kinabibilangan ng 17 Indian, dalawang Pakistani, dalawang Nepalese, isang Egyptian, at isang Bangladeshi.
Sila ay isasailalim sa isang mabilis na paglilitis sa mga kasong may kaugnayan sa pagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon at pagsuporta sa military aggression laban sa UAE.
Ang unang grupo ng mga akusado kung saan kabilang ang dalawang Filipina ay inakusahan ng pagpapakalat ng mga authentic video clips at pagdo-dokumento ng mga dumadaan at missile aggression sa airspace ng UAE o ang ‘resulting impact’.
Kinunan din umano nila ng video ang pagtitipon ng mga indibiduwal na nagmo-monitor sa mga kaganapan at nagbibigay ng komentaryo at sound effects na nagpapahiwatig ng active aggressions para mag panic ang publiko.
Inakusahan ang pangalawang grupo ng paggawa ng content gamit ang artificial intelligence o kaya ay gumagamit ng mga footage na nangyayari sa ibang bansa at pinalalabas na nangyari ito sa UAE.
“These clips contained synthetic scenes of explosions and missiles, often featuring national flags or specific dates to grant credibility to false claims and mislead the public,” nakasaad sa inilabas na pahayag ng UAE Attorney General.
Ang ikatlo ay kinabibilangan ng mga akusado na nag-published ng mga content na pumupuri sa isang hostile state at kanilang political at military leadership.
Kabilang dito ang pagpuri sa nga lider ng bansa na nagpapakalat ng propaganda na nagagamit ng mga “hostile media” at nakakasira sa national interest ng UAE. Wala pang inilalabas na pahayag ang Department of Foreign Affairs kaugnay sa dalawang Pinay.
- Latest
















