783 stranded OFWs sa Middle East balik Pinas

MANILA, Philippines — Umabot na sa 783 distress na mga Pilipino ang nailigtas mula sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Han Leo Cacdac na alas-12 ng tanghali kahapon nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang 442 repatriates mula sa United Arab Emirates (UAE).
“We have landed. 442 Filipinos from the UAE on the PHL Government-chartered B747-400 flight as directed by President Bongbong Marcos are home,” ayon kay Cacdac sa FB post.
Sinalubong sila ng mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Bureau of Immigration (BI).
Samantala, sinabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na ngayong araw ng Linggo, Marso 15, alas-10 ng umaga ang inaasahang paglapag sa NAIA ng isa pang charter flight sakay ang 341 distressed at stranded OFWs mula sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ang mga ito ay galing ng Saudi, Kuwait, at Bahrain, na tinipon sa Riyadh, bilang staging point, at umalis doon ng Sabado.
Ang mga OFW mula Bahrain ay tinutulungan ng mga team mula sa OWWA, DMW at mga embahada ng Pilipinas sa Riyadh at Manama upang makatawid sa mga land border at makapunta sa Riyadh, habang ang nagmula sa Kuwait ay inasistehan ng government teams sa kanilang travel clearances at land border crossing para makapasok ng Riyadh.
Nagbigay rin ang pamahalaan ng iba’t ibang welfare assistance sa mga OFW habang inaayos ang kanilang repatriation, kabilang ang tulong sa travel documentation, pansamantalang accommodation, transport assistance, at iba pang agarang pangangailangan habang naghihintay ng kanilang pag-uwi.
Ang pangunahing layunin ng repatriation operation ay matiyak ang kaligtasan nga mga Pinoy, na pinondohan ng Emergency Repatriation Fund.
- Latest




















