US nag-alok ng $10-M sa info vs Iran leaders
MANILA, Philippines — Nag-alok ang US State Department ng $10 milyon para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng bagong Supreme Leader ng Iran na si Mojtaba Khamenei at iba pang matataas na opisyal ng bansa.
Bukod kay Khamenei, hinahanap din ng Estados Unidos ang security chief ng Iran na si Ali Larijani, Intelligence Minister Esmail Khatib, Interior Minister Eskandar Momeni, at dalawa pang opisyal na kabilang sa tanggapan ng Supreme Leader.
Noong Biyernes, lumitaw si Larijani sa mga video habang dumadalo sa isang rally sa Tehran kasama sina Pangulong Masoud Pezeshkian at Foreign Minister Abbas Araqchi.
Naganap ito sa kabila ng pahayag ni US Defense Secretary Pete Hegseth na umano’y nagtatago sa ilalim ng lupa ang pamunuan ng Iran.
Sa reward website, nakalista rin ang apat pang opisyal, kabilang ang commander ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) at ang kalihim ng defense council, ngunit hindi inilagay ang kanilang mga pangalan o larawan.
Ayon sa State Department, ang mga opisyal na ito ang namumuno at nag-uutos sa iba’t ibang bahagi ng IRGC, na umano’y nagpaplano at nagsasagawa ng mga operasyong terorismo sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hinikayat naman ng US ang mga may impormasyon na magpadala ng tip sa pamamagitan ng Tor o Signal.
Kamakailan lamang ay naging bagong Supreme Leader si Mojtaba Khamenei, kapalit ng kanyang ama na si Ali Khamenei na napatay kasama ang ilang matataas na opisyal ng Iran sa pinagsamang airstrike ng Estados Unidos at Israel noong Pebrero 28.
Pinaniniwalaang nasugatan si Mojtaba sa mga pag-atake at hindi pa siya muling nakita sa publiko mula noon, bagaman naglabas siya ng kanyang unang pahayag nitong Huwebes.
Itinuturing ng US ang IRGC bilang isang foreign terrorist organization, at inaakusahan itong responsable sa mga pag-atake na ikinamatay ng mga mamamayang Amerikano at mga tangkang pagpaslang laban kay Pangulong Donald Trump at iba pang opisyal ng US bilang paghihiganti sa pagkakapatay sa Iranian military commander na si Qassem Soleimani noong 2020.
- Latest


















