Imported na sibuyas bumaha, presyo bumagsak
MANILA, Philippines — Bumagsak ang farm gate price ng sibuyas sa Nueva Ecija at Occidental Mindoro sa P30-P40 kada kilo mula sa P120-P150 dahil sa pagbaha ng imported na sibuyas kaya nalagay sa bingit ng pagkalugi ang mga magsasaka, ayon kay Sen. Loren Legarda.
Sa Resolution No. 344 na inihain ni Legarda, hiniling na imbestigahan ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform kung sumunod ba ang Department of Agriculture (DA), mga attached agencies nito, at mga lokal na pamahalaan sa tamang patakaran sa import calibration at cold storage.
Nakasaad sa resolusyon na lalo pang nagpalala sa krisis ang maling oras ng pagdating ng imported na sibuyas, ang pagkapuno ng mga cold storage, at ang mga kahina-hinalang shipment sa Bulacan.
Aniya, malinaw nitong inilantad ang malalim na problema sa supply chain ng sibuyas sa bansa.
Layunin din ng resolusyon na papanagutin ang mga nasa likod ng talamak na iligal na importasyon at ang paulit-ulit na paghahari ng onion cartels.
Tinukoy sa resolusyon ang matinding pagbagsak ng farm gate price, ang pagsabay ng 4,000 metric tons ng imported na sibuyas sa kasagsagan ng anihan, at ang pagkapuno ng 82% ng cold storage capacity na nagkait sa mga magsasaka ng mahalagang imbakan.
Ayon pa kay Legarda, pinalobo ng mga iligal na stock na ito ang suplay sa merkado, pinabagsak ang farm gate price ng sibuyas, at naglantad ng kahinaan sa border control at pagpapatupad ng regulasyon.
- Latest


















