PN: 3 Pinoy naniktik dahil sa malaking suweldo, bonus

MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine Navy (PN) na ang naiulat na umano’y espionage activities o aktibidad ng paniniktik ng tatlong Pinoy para sa China ay ‘purely financial’ na may kinalaman sa malaking sweldo at mga bonus mula sa kanilang Chinese handlers.
Ayon kay PN Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang mga naturang espiya ay kumikita ng mula apat hanggang anim na digit na kumpensasyon para sa impormasyon na ipagkakaloob nila at tumatanggap rin ng malalaking bonus.
“The modus operandi here is all financial,” aniya.
Sinabi ni Trinidad na ang pera ay ibinibigay sa mga sinasabing espiya, sa pamamagitan ng digital wallets o food couriers.
Ani Trinidad, isa sa mga espiya, mula 2023 hanggang 2025, ang nagsabi na ito ang kanilang motibasyon.
Huli na aniya nang malaman niya na nag-eespiya siya para sa China ngunit sinabing kailangan niya ang pera.
Aniya pa, isa sa mga sinabing espiya ay nagsisisi sa kanyang ginawa matapos na may isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nasaktan sa isa sa mga agresibong pagmamaniobra mula sa China at ibinunyag ang tangkang pag-recruit sa kanya upang magbigay ng sensitibong impormasyon.
Dagdag pa ng Navy, ang recruitment ay kasabay nang mabunyag ang mga insidente ng pang-eespiya sa bansa.
Ani Trinidad, “Kasabay ito ni Alice Guo, we have yung may hawak na MC catcher, yung may hawak na LIDAR… ‘Yung Palawan 5 who were installing CCTVs in the approaches to Ulugan Bay, yung nakuha natin sa Grande Island and Chiquita Island.”
“If we start connecting the dots over the years, makikita natin merong threat… Attempts to be able to infiltrate in a very subtle way to extract information from us, information which could be derogatory or dangerous. It could endanger the lives ng ating mga kapwang Pilipino,” dagdag pa niya.
Nauna rito, ibinahagi ng Navy na tatlong Pinoy ang sangkot sa pag-eespiya para sa China at inilarawan ito bilang seryosong national security matter.
- Latest
























