Palasyo: ‘Wag mag-panic buying

DOE, PNP, DILG ‘sinuyod’ mga gasolinahan
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Malakanyang ang publiko na hindi dapat mag-panic buying matapos ang anunsiyo ng magkakaroon ng pagtaas sa mga presyo ng produktong petrolyo dulot ng giyera sa pagitang US-Israel at Iran.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na malinaw ang mensahe ng Pangulo na ang paghahanda ay nararapat at napapanahon sa anumang sitwasyon lalo pa at hindi pa nahihinto ang kaguluhan sa Middle East.
Giit pa ni Castro, hindi panahon na matulog lang ng mahimbing dahil tayo ang talo kapag nagpakampante ang gobyerno.
Bago rin aniya ginawa ng Pangulo ang anunsiyo ay nakapagbigay na ito ng marching order para ipatupad ang plan interventions para maibsan ang pasanin ng publiko, kaya naman ginagawa ng gobyerno ang paraan kabilang dito ang pagmomonitor at pagdisiplina sa mga gas stations.
Sinabi naman ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na pinaigiting na nila katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang inspeksyon sa mga gasolinahan para mapigilan ang hoarding, profiteering o supply manipulation.
Dahil dito kaya hinikayat ni Garin ang publiko na manatiling kalmado dahil ginagawa ng gobyerno ang lahat para masiguro na stable ang supply at tama ang presyo ng produktong langis sa buong bansa.
Ang pahayag ay kaugnay sa mga ulat na nagtaas na ng presyo ng mga produktong langis at nagkakaroon na rin ng hoarding ang ilang mga gasolinahan sa bansa kahit na sa Martes pa ang nakatakdang price adjusment.
- Latest

















