Trillanes kinasuhan ng perjury 18 ex-Marines

MANILA, Philippines — Naghain ng reklamong perjury nitong Huwebes, Marso 5, sa Department of Justice (DOJ) si dating senador Antonio Trillanes laban sa 18 dating Marines at iba pa kaugnay sa mga alegasyong nagsasangkot sa kanya at sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).
Inihain din ang cyber libel complaints laban kina Atty. Levito Baligod, dating congressman Mike Defensor, dating broadcaster Jay Sonza, dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy at vlogger na si Cathy Binag.
“Hindi po totoo ‘yan. Wala akong natanggap na $2 million para sa ICC operations. So itong ginawa nila ay paninira lang hindi lang sa akin kung hindi doon din sa imbestigador ng ICC,” ani Trillanes.
“Hindi ko ikinakaila na since 2017 nakikipag-ugnayan ako sa ICC pagkalap ng ebidensya, testigo, at lahat ng kailangang gawin para palakasin ‘yung kaso laban kay Duterte,” paliwanag niya.
Nauna nang naghain ng reklamong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Utterances and Publication) kaugnay sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) noong Miyerkules sa DOJ si National Security Adviser Eduardo Año laban sa 18 dating sundalo, Atty. Baligod at Defensor dahil sa umano’y “malicious and fabricated” na akusasyon.
“Ang nasa likod nitong pagkilos nila na ‘yan ay ang Duterte camp. So marami pang ongoing ‘yung imbestigasyon ngayon, eh, no, at marami tayong nalalaman,” ani Trillanes na naniniwalang kinalaunan, ilan sa 18 ex-soldiers ay aamin kung sino ang nasa likod nila, anong plano nila, at kung ano man ang ibinigay sa kanila para kapalit nito.
- Latest


















