Suntay pinasasampolan sa House Ethics
MANILA, Philippines — Pinasasalang ng Philippine Commission on Women (PCW) si QC Rep. Bong Suntay sa imbestigasyon ng Kamara.
Partikular na kinalampag ng PCW ang House Committee on Ethics para isalang sa administratibong aksiyon si Suntay sa ilalim ng Republic Act (RA) 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
“Representative Suntay’s statement is not merely offensive — it is actionable under Philippine law and in direct violation of the ethical standards expected of every public servant,” saad ng PCW.
Iginiit ng mga ito na hindi dapat basta na lamang manahimik ang Kamara sa isyung ito lalo na at nasa puwesto si Suntay dahil kung hindi aniya kikilos ang mga lider nito ay wala itong ipinag-iba sa isyu na ginagawang normal ang harassment.
“Ang dignidad ng babae ay hindi paksa ng biro, pagnanasa, o komentaryo. Ito ay karapatang pantao na hindi dapat yurakan ng kahit sino, lalo pa ng isang mambabatas ng Kongreso,” ayon sa ahensya lalo na at ipinagdiriwang ngayon sa bansa ang “Women’s Month”.
Si Suntay ay humingi na ng sorry sa lahat umano ng kaniyang na-offend sa kaniyang komento pero nanindigan pa rin sa kaniyang analohiya.
Inihayag naman ni Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago na hindi sinsero si Suntay at non-apology pa rin ito sa pangangatwiran sa kaniyang analohiya na imahinasyon lamang umano sa kaniyang pagkabighani sa alindog ng magandang actress na si Ann Curtis.
“Ang mga pahayag na nagtatrato sa mga kababaihan bilang object ng “imagination” at “desire” sa public hearing at interview ay may real-life consequences sa mga babaeng nakararanas ng iba’t ibang porma ng pambabastos, diskriminasyon, at abuso sa araw-araw,” ani Elago.
Hindi umano dapat nagiging normal ang ganito lalo pa sa Kongreso at public office kung saan nakakaapekto ang mismong mga salita, pahayag, at aksyon ng mga public officials sa mga patakaran, sa kultura, at pang-araw-araw na buhay ng mga kababaihan at lahat ng ordinaryong mamamayan. Binigyang diin nito na bawal ang bastos sa Kongreso at sa lahat ng mga pampublikong espasyo.
- Latest
























