DMW: Wala pang mass repatriation sa Middle East
MANILA, Philippines — Hindi pa magpapatupad ng mass repatriation ang pamahalaan sa gitna ng umiinit na bakbakan sa pagitan ng Israel, Iran at iba pang mga kalapit na bansa sa Middle East.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na wala pang mass repatriation dahil ang mandatory level para rito ay Alert level 4.
Sa ngayon ay mayroon nang 80 hanggang 100 OFWs mula sa Dubai ang humihiling na mapauwi sila, subalit ayon kay Cacdac ay imposible pa ito dahil sarado ang airspace sa Dubai at ang airports dahil sa pag-atake ng Iran.
Binibigyan muna nila ng pangunahing kailangan ang mga OFWs tulad ng tirahan, pagkain, tubig at iba pa habang inihahanda ang paglikas nila.
Nabatid na itinaas na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang Alert Level 2 para sa UAE, Bahrain, Qatar, Kuwait, at Israel, na nagresulta sa deployment ban ng newly hired OFWs.
Nasa Alert Level 3 naman ang Lebanon habang ang Jordan ay nananatili sa Alert Level 1.
Habang wala pa aniyang mass repatriation ay inabisuhan ng kalihim ang mga Pinoy sa middle east na mag-ingat at antabayanan ang mga advisories mula sa embahada, sa one country team leaders, sa mga ambassador sa grounds, consuls general at mahalagang sundin ang protocols ng isang bansa kung saan sila narooon.
Tiniyak naman ni Cacdac na malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanila na magkaroon ng mahigpit na koordinasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) gayundin sa lahat ng ambassadors sa Gulf states at sa State of Israel gayundin din sa Middle East.
Mayroon na rin aniyang nakalaan na meeting points o relocation points kada bansa kung saan may nakatalaga bawat country level.
- Latest


















