Sen. Raffy: Australia, pinuri galing ng Pinoy workers

MANILA, Philippines — Nag-courtesy visit sa tanggapan ni Senate Committee on Migrant Workers & Committee on Public Services Chairperson Sen. Idol Raffy Tulfo sa Senado si Australian Ambassador to the Philippines His Excellency Marc Innes-Brown noong Feb. 18.
Una nilang tinalakay ang kalagayan ng tinatayang 400,000 Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa Australia na karamihan ay mga nurse, skilled workers, at iba pang nasa healthcare industry.
Pinuri ni Amb. Innes-Brown ang working performance ng Pinoy workers sa Australia at ang napakalaking ambag daw nila sa kanilang ekonomiya. Katunayan, nangangailangan pa raw sila ng mas maraming skilled workers at ang gusto nilang i-hire ay mga Pinoy rin.
Nagpasalamat naman si Sen. Raffy kay Amb. Innes-Brown sa “excellent treatment” nila sa OFWs, lalo pa at wala raw siyang natatanggap na reklamo ng pang-aabuso o pang-aapi ng Australian employers mula sa ating mga kababayan doon.
Ibinahagi naman ni Amb. Innes-Brown na dumarami na ang mga Pilipinong kumukuha ng masters and doctorate scholarship programs sa Australian Universities kung saan habang sila ay nag-aaral ay nabibigyan din sila ng oportunidad na makapagtrabaho roon at makasama ang kanilang pamilya – bagay na ikinatuwa ni Sen. Raffy.
Tinalakay rin ni Amb. Innes-Brown na priority country talaga ng Australia ang Pilipinas sa usapin ng pagpapalakas ng defense and maritime cooperation kung saan hangad daw ng Australia na mas mapalawig pa ang military training exercises para sa AFP at Philippine Coast Guard.
- Latest























