Army Colonel sasalang sa court martial
Nag-post ng withdrawal of support vs Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Isasalang na sa General Court Martial (GCM) ang isang aktibong Army Colonel na nag-post ng withdrawal of support laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay ng isyu ng maanomalyang korapsyon sa flood control projects.
Sa press briefing sa Philippine Army Headquarters nitong Lunes, kinumpirma ni Army Chief Lt. Gen. Antonio Nafarette na inaprubahan na niya ang pagsasalang sa GCM laban kay Col. Audi Mongao.
Ayon kay Nafarette, si Mongao ay lumabag sa Articles of War (AW) 63 o ang ‘disrespect toward the President, Vice President, Congress of the Philippines at Secretary of National Defense.
Kabilang pa sa mga paglabag na kakaharapin ni Mongao ay ang conduct unbecoming of an officer and a gentleman (AW 96) at conduct prejudicial to good order and military discipline (AW 97).
Sinabi ni Nafarette na sakaling mapatunayang guilty sa proseso ng GCM ay madidismis sa serbisyo (dishonorably discharge) si Mongao na walang matatanggap na benepisyo at suweldo.
“He shall be dismissed from the service or suffer such other punishment as a court-martial may direct”, ani Nafarette na tiniyak na dadaan sa tamang proseso sa GCM ang kaso laban kay Mongao.
Magugunita na noong Enero 9, 2026, nasibak sa puwesto si Mongao bilang Commander ng Training Support Group sa ilalim ng Philippine Army Training Command (TRACOM) na nakabase sa Tarlac.
Nasibak si Mongao sa puwesto matapos naman itong mag-post sa kaniyang facebook page ng pagtalikod ng suporta laban kay PBBM dahilan umano sa talamak na korapsyon sa infrastructure projects na kung hindi substandard ay mga ghost projects.
- Latest




















