2 pulitiko sa Norte ‘utak’ ng smuggled yosi - DILG

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang dalawang pulitiko mula sa Northern Luzon na umano’y mastermind at financier ng mga illegal na pabrika ng sigarilyo.
Inihayag ito ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla makaraan ang naganap na raid sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga na kinakitaan ng mga sigarilyo, cigarette-making machines at tax stamps.
Ayon kay Remulla, ang nasabing planta ay nag-o-operate ng walang permit at license sa buong buwan ng Enero 2026 at nakapag-produce na ng P4.5 bilyong halaga ng sigarilyo.
“We suspect there are two northern Luzon politicians behind it. Sila ang masterminds, sila ang financiers,” sabi ni Remulla.
Aniya, ang dalawang pulitiko sa Luzon ang may control sa illegal tobacco sa naturang lugar. Inaalam din ng mga otoridad ang balitang mayroon pang 10 iba pang illegal na pagawaan ng sigarilyo sa iba’t ibang lugar sa bansa.
“This is an international system. Ang intelligence namin dito galing pang Singapore and Indonesia na ginagawa dito, so it is larger than you think,” sabi ni Remulla.
Aniya, nagsulputan ang illegal na pagawaan ng sigarilyo sa bansa dahil sa mataas na tobacco excise tax.
Sinasabing noong 2024, nawala ang P30 bilyong kita ng pamahalaan mula sa pagbubuwis dahil sa bentahan ng sigarilyo na hindi ipinagbabayad ng buwis.
Nangako naman si Remulla na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang mapilay ang illegal na operasyon hinggil sa tobacco manufacturing.
- Latest



















