2 Pinoy patay, 4 missing sa lumubog na cargo vessel

MANILA, Philippines — Dalawang tripulanteng Pinoy ang iniulat na nasawi sa paglubog ng sinasakyan nilang Singaporean-flagged cargo vessel sa karagatang malapit sa Scarborough Shoal.
Ayon sa Chinese Embassy sa Maynila, ang dalawang nasawing Pinoy ay kabilang sa 17 tripulante na sinagip nila matapos na tumaob ang sinasakyang M/V Devon Bay ng mga ito.
Mayroon din umanong 14 sa mga tripulante ang nasa maayos na kondisyon habang ang isa pa ay nananatiling nasa emergency medical treatment.
“As of 12:30 pm, 17 people have been rescued. 14 are in stable condition, 2 have been confirmed dead, and 1 remains under emergency medical treatment,” anang Chinese embassy sa isang update.
“Rescue efforts are currently underway in full swing, and China’ maritime authorities are organizing additional rescue teams to rush to the accident site,” anito pa.
Nabatid na 21 tripulante na pawang Pinoy ang lulan ng M/V Devon Bay, na may kargang iron ore, nang makaranas ng maritime incident.
Patungo sana ang barko sa Yangjiang, China mula sa Gutalac, Zamboanga del Sur.
Kaagad naman umanong naglunsad ang Chinese People’s Liberation Army (PLA) Southern Theater Command ng joint rescue operation para sagipin ang mga tripulante.
Sa kanilang panig, sinabi naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na wala pa silang kumpirmasyon sa pagkamatay ng dalawang Pinoy.
Anito pa, hanggang alas-2:25 ng hapon ay apat na tripulante pa ng barko ang nawawala.
“For info, as of 2:25PM today, January 23, 2026, the PCG Command Center received a confirmation from the K-Line Roro Bulk Ship Management Co., Ltd. that 17 individuals were rescued by the CCG, while four crew members remain missing,” anang PCG.
Ang naturang cargo vessel ay huling namataan may 141 nautical miles, sa silangan ng Sabangan Point, Ango Bay, Pangasinan dakong alas-8:30 ng gabi noong Huwebes.
Idineploy na ng PCG ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), BRP Cape San Agustin (MRRV-4408), at dalawang sasakyang panghimpapawid para magsagawa ng search and rescue operations.
- Latest


















