‘Holdaper na pa-victim’

Hontiveros sa mga Discaya
MANILA, Philippines — Tinawag ni Sen. Risa Hontiveros ang mag-asawang sina Curlee at Sarah Discaya na “mga holdaper na pa-victim”.
Ginawa ni Hontiveros ang reaksiyon matapos sabihin ni Curlee sa pagdinig sa Senado noong Lunes na sa tingin niya ay “modern day” na pagnanakaw ang ginagawa sa kanila na ipinababalik sa gobyerno ang perang kinita mula sa mga proyekto bago sila ikonsidera sa Witness Protection Program (WPP).
Sinabi ni Hontiveros na dapat tigilan ng mga Discaya ang pag-iwas sa mga tanong at tahasang panglilihis sa direksiyon ng pagdinig.
“Hello, sasabihin niya na ninakawan sila? Parang hinold up tayo tapos kailangan pa nating mag-sorry sa holdaper. I mean tigilan na ng mga Discaya yung ganyang pag-iiwas sa mga tanong or outright pag-deflect sa direksyon na gustong tahakin ng hearing,” pahayag ni Hontiveros sa Kapihan sa Senado nitong Miyerkules.
Idinagdag ni Hontiveros na kung talagang seryoso ang mga Discaya na matanggap sa WPP, dapat silang makipagtulungan sa Senado sa ginagawang imbestigasyon.
“Kung talagang gusto nilang makipagtulungan sa gobyerno simula na sa Blue Ribbon Committee, kung talagang gusto nilang matanggap sa Witness Protection Program, dito pa lang sa Senado simulan na nilang sagutin nang tapat at kumpleto lahat ng aming mga tanong. Tigilan na yung mga holdaper pretending to be the victim,” ani Hontiveros.
- Latest























