Lacson: Imee may P2.5 bilyong ‘allocables sa 2025 budget

MANILA, Philippines — Itinuro ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang P2.5 bilyong halaga ng “allocables” na inuugnay kay Sen. Imee Marcos sa 2025 National Expenditure Program (NEP).
Base aniya ito sa mga dokumentong natanggap ni Lacson mula sa kampo ng yumaong DPWH Undersecretary Catalina Cabral.
“Si Senator Imee, mayroon din doon. Kung hindi P2.5 billion, nasa P3.5 billion. ‘Yung for later release niya, may mga na-release doon,” sabi ni Lacson.
“Siya (Marcos) ‘yung nag-iingay na tahasang kini-criticize niya ang napirmahang budget ng 2026. Kung ganun definition niya ng pork, siya nga ang mayroong pork [barrel]. So wala siyang moral ascendency para i-criticize,” wika ni Lacson.
Binanggit din ni Lacson na habang nagreklamo si Marcos sa ratipikadong bersyon ng 2026 budget bill dahil sa pagtaas ng pondo para sa mga assistance program na tinawag niyang soft pork — kabilang ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) — ay may pork naman siya sa 2025 GAA, at personal na dumalo sa pagbigay ng ayuda noong nakaraang taon.
“Siya nga ang hilig mag-attend doon tapos sasabihin niyang may tinadtad may giniling na pork? Alam mo, ‘pag wala kang moral ascendancy ‘wag ka nang magsalita ‘wag kang pumuna kasi babalik sa iyo ‘yun. May sinasabing ‘pag nasa glass house ka ‘wag kang mambato,” aniya.
Pinabulaanan niya ang pahayag ni Marcos na pinagbawalan umano niya ang mga miyembro na iugnay ang ilang personalidad gaya ni dating Speaker Martin Romualdez sa isyu, at iginiit na hindi naman ito dumalo sa mga pagdinig na kanyang pinangunahan.
“Unang una paano niyang masasabing pinagbawalan, hindi naman siya nag-a-attend ng hearing?” ani Lacson.
Nang tinanong kung ano kaya ang dahilan sa mga kilos ni Sen. Marcos, tugon ni Lacson: “Baka gusto niyang mag-apply na ‘meow-meow’ ng Senado... Ayaw naming magkaroon ng ‘meow-meow’ sa Senate pero parang may gustong mag-apply.”
- Latest

























