On-ground inspection sa government projects, gawing random

MANILA, Philippines — Upang matiyak na hindi masayang ang pera ng taong bayan, kailangang random na suriin sa mismong lugar ang mga proyekto ng gobyerno.
Itinulak ni Senador Erwin T. Tulfo ang inisyatibong ito habang sinusuportahan ang pagbuo ng Joint Congressional Oversight Committee upang subaybayan ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
“Kung ako ang tatanungin, hindi lang ako magre-rely dun sa report ng secretary, ng mga director. Kailangan siguro talagang may tao tayo on the ground na magsagawa ng random checks,” saad ni Tulfo, vice-chairperson ng Committee on Finance.
“Halimbawa, talagang isinasagawa ba ang isang proyekto?” aniya.
“Nakita natin kung paano tinatakpan ng mga regional director ang mga district engineer at kung paano kahit ang mga kalihim ay maaaring sangkot,” dagdag pa ng senador.
Nang tanungin tungkol sa kredibilidad ng komite sa pagbabantay, isinasaalang-alang na may mga miyembro ng Kongreso na di-umano’y nagpasok o nag-endorso ng ilang paboritong proyekto sa badyet ng 2026, binigyang-diin ni Tulfo na ang layunin ng joint oversight committee ay upang matiyak ang kredibilidad ng ulat.
- Latest
















