Sandro: 12 sa 48 LEDAC bills ipinasa ng Kamara
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang 12 sa 48 na priority measures na nakasaad sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na malinaw na nagpapakita na nasa sentro ang repormang adyenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa unang regular na sesyon ng 20th Congress.
Sinabi ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na ang LEDAC scorecard ay patunay ng masigla at produktibo ang unang regular na sesyon ng Kamara.
Sa loob lamang aniya ng 22 session days, umabot sa 7,030 panukalang batas at 645 resolusyon ang naihain, 86 panukala ang naaprubahan, at 584 panukala ang naproseso ng mga komite at plenaryo.
Sa ilalim aniya ng pamumuno ni Speaker Bojie Dy, ay malinaw ang mensahe ng Kamara sa mga unang buwan ng 20th Congress, seryoso sila sa paghahatid ng mga LEDAC priority bills kung saan ipinapakita nito ang sipag at pagkakaisa ng mga mambabatas sa pagpasa ng mahahalagang batas.
Dagdag pa ng Majority leader na nakapagpasa na ang Kamara ng isang pambansang batas na naisumite na sa Pangulo — ang P6.793-trilyong 2026 General Appropriations Act. Mayroon ding 52 resolusyon na inaprubahan, habang 32 panukalang batas (26 pambansa at 6 lokal) ang naghihintay na ng aksyon sa Senado.
Ayon kay Marcos, ang mga bilang na ito ay patunay ng isang Kamara na tumatapat sa bigat ng mga hamon ng bansa, at ang LEDAC priorities ang nagsisilbing gulugod ng kanilang repormang adyenda.
Paliwanag pa niya na ang 48 item LEDAC, 12 bills ay naaprubahan na sa ikatlong pagbasa, 5 panukala na naaprubahan sa ikatlong pagbasa, 5 panukalang naaprubahan sa komite at naghihintay pa ng komento mula sa Appropriations at Ways and Means panels, 15 panukala ang nasa technical working group o committee deliberation at 17 measures na nakapila na para sa full committee hearings.
- Latest















