Higit 3-libo katao sa paanan ng Mayon, inilikas

MANILA, Philippines — Umabot na kahapon sa 822 pamilya o 3,125 katao ang inilikas mula sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone ng Mt. Mayon sa Albay.
Sa tala ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office sa pangunguna ni Roderick Mendosa, may pinakamaraming nailikas sa Tabaco City na nasa 1,399 indibidwal; sunod ang bayan ng Malilipot - 1,193; Camalig - 439; at Ligao City - 94.
Inaasahang madaragdagan pa ang bilang dahil wala pang datos ang bayan ng Guinobatan at Sto.Domingo habang patuloy pa ang ginagawang paglilikas sa iba’t ibang lugar.
Pabor naman si Office of Civil Defense Assistant Secretary Raffy Alejandro na pansamantalang putulan ng mga amenities gaya ng kuryente ang mga bahay na nasa loob ng 6-km radius permanent danger zone upang wala munang babalik na residente.
Pinawi rin nito ang pangamba na baka maubos ang resources ng mga lokal na pamahalaan kung tumagal ng mga buwan ang pag-aalboroto ng bulkan.
Sinabi nito na kasisimula palang ng taon kaya may bago pang budget upang suportahan ang pangangailangan ng mga evacuees at ang buong operasyon.
- Latest
















