Trump: 2nd strike sa Venezuela namumuro
Columbia, Mexico posibleng isunod
MANILA, Philippines — Sinabi ni US President Donald Trump na maaaring maglunsad ang Estados Unidos ng pangalawang military attack sa Venezuela kasunod ng pagkakadakip kay President Nicolas Maduro kung ang mga natitirang miyembro ng administrasyon ay hindi makikipagtulungan sa kanyang mga pagsisikap na “ayusin” ang bansa.
Lumutang ang posibilidad na magkaroon ng US military interventions sa Latin America matapos banggitin ni Trump ang Columbia at Mexico na posibleng maharap sa military action kung hindi babawasan ang pagpapasok ng iligal na droga sa US.
Si Maduro ay nasa isang detention center sa New York at naghihintay ng paglilitis sa korte dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Ang kanyang pagkakadakip ng Estados Unidos ay nagdulot ng matinding kawalan ng katiyakan tungkol sa kung ano ang susunod para sa bansang mayaman sa langis sa Timog Amerika.
Inilarawan ng administrasyon ni Trump ang pagkakahuli kay Maduro bilang isang misyon ng pagpapatupad ng batas upang pilitin siyang harapin ang mga kasong kriminal ng US na isinampa noong 2020, kabilang ang pagsasabwatan sa narco-terrorism.
Itinanggi ni Maduro ang pagkakasangkot sa krimen.
Sinabi ni Venezuelan Defense Minister General Vladimir Padrino sa telebisyon na ang pag-atake ng U.S. ay pumatay ng mga sundalo, sibilyan at walang awang pinatay ang malaking bahagi ng security team ng kanilang presidente.
Sinabi ng gobyerno ng Cuba na 32 sa mga mamamayan nito ang napatay sa pagsalakay.
- Latest



















