Antipolo Rep. Acop pumanaw na
MANILA, Philippines — Sumakabilang buhay na si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop sa edad na 78- anyos matapos itong atakehin sa puso nitong Sabado ng gabi.
Ito ang kinumpirma ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno, isa sa matalik na kaibigan ni Acop.
Bandang alas-10:12 ng gabi, ayon kay Puno ng matagpuan si Acop na nakabulagta sa sahig ng bunsong anak nitong si Dr. Karla Marie Acop at ng kaniyang security aide na si Pat Frank Louie Pastrana matapos i-alarma ng personal nurse ng mambabatas ang doorbell sa kuwarto ng mambabatas.
Noong Sabado ng gabi ay sinasabing nagkaroon ng medical emergency si Acop na isinugod sa pagamutan pero bigo na rin itong maisalba.
Nabatid na si Acop ay sumailalim sa kidney transplant noong huling bahagi ng Nobyembre at naging matagumpay naman ito kung saan nakarekober na ang mambabatas at ikinabigla ng kaniyang pamilya at mga kaibigan ang biglang pagpanaw nito.
Sa katunayan, ayon pa kay Puno ay sobra na ang kanilang excitement at magbabalik na sa pagiging aktibo si Acop sa kanilang partido at lubhang napakalungkot na tuluyan na aniya itong namaalam.
Samantala, sinabi naman ni Speaker Faustino Dy III, na isang malaking kawalan sa Kamara ang pagpanaw ni Acop. Si Acop ay dating hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at isa ring kilalang malapit na kaibigan ni dating PNP Chief at ngayon ay Sen. Panfilo Lacson.
- Latest























