’Payola’ sa LTO iimbestigahan ng DOTr

MANILA, Philippines — Inatasan na ng Department of Transportation (DOTr) ang Land Transportation Office (LTO) na agarang imbestigahan ang alegasyong umano’y may mga kaso ng payola sa loob ng kanilang ahensiya.
Inisyu ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang direktiba bilang tugon sa pinaplanong tatlong araw na nationwide transport strike ng grupong Manibela sa Disyembre 9 hanggang 11.
“Hindi pa kami nakapag-usap ni (Manibela President) Mar Valbuena. Pero nakapag-usap na sila ni Asec. (Markus) Lacanilao. Ang issue ay registration na matagal daw at may alegasyon pa ng payola,” ayon kay Lopez.
Aniya pa, inatasan na niya si Lacanilao na tugunan ang isyu at magsumite ng rekomendasyon hinggil dito.
Inaasahan aniyang sa Martes ay makapagbibigay na ng rekomendasyon hinggil dito si Lacanilao.
Mahigpit din aniya ang bilin niya rito na iprayoridad ang mga kawani na may ganitong alegasyon at kung may ebidensiya ay kaagad na sibakin.
“Tuesday, aasahan ko ang kanyang mga rekomendasyon. Sabi ko, iprayoridad ‘yung mga kawani na may alegasyon na ganito. Kung may ebidensiya, tanggalin agad,” aniya pa.
- Latest


















