ICI nagdaos ng unang livestream probe sa flood scam
MANILA, Philippines — Nagdaos ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng kauna-unahang livestream hearing sa maanomalyang flood control projects sa bansa, kahapon.
Kabilang sa resource persons na naimbitahan sa naturang isinapublikong pagdinig si Laguna Rep. Benjie Agarao Jr..
Dumalo rin ang mga opisyal at kinatawan ng Land Bank of the Philippines.
Una nang sinabi ni ICI spokesperson Brian Hosaka na handa na silang i-livestream ang kanilang mga isinasagawang pagdinig sa anomalya.
Aniya, naghahanap lamang sila ng resource person na payag na mai-broadcast ang kanilang testimonya.
Karamihan kasi umano ng kanilang mga resource persons ay humihiling ng executive sessions.
Sa ilalim ng guidelines, lahat ng proceedings at pagdinig ng ICI ay ila-livestream, maliban na lamang kung may pangangailangan sa isang executive sessions.
Samantala, sina Davao City Rep. Pulong Duterte, House Majority Leader Sandro Marcos, Bulacan Rep. Danny Domingo, at Benguet Lone District Rep. Eric Yap naman ang mga inaasahang dadalo sa pagdinig ng ICI sa Disyembre 3 hanggang 5.
- Latest
















