Anti-Corruption rally ‘generally peaceful’ - NCRPO
MANILA, Philippines — Payapang naidaos ang Trillion Peso March ng iba’t ibang progressive groups na kumukondena sa malawakang katiwalian na kinasasangkutan ng mga government officials partikular sa mga flood control projects sa bansa.
Ito naman ang pagtaya ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief PMGen. Anthony Aberin, kung saan walang naitalang kaso ng karahasan o gulo sa mga pinagsagawaan ng rally ng mga protesters.
Sa Luneta, maaga pa lamang ay nagsimula nang magdatingan ang mga raliyista, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nagmula sa iba’t ibang meeting points, kabilang na ang Philippine General Hospital, Finance Road, at Liwasang Bonifacio.
Alas-9 ng umaga ang orihinal na iskedyul na masimulan ang rally ngunit hindi ito kaagad naisagawa matapos na pigilan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang mga raliyista na maagang makapag-set up ng kanilang mga kagamitan para sa isasagawang programa dahil sa kawalan ng permiso.
Dakong alas-10:30 ng umaga na nang maisagawa ang rally sa Rizal Park matapos na bigyan ng MPD ng 15 minuto ang grupo upang makapag-programa sa Rizal monument bago tuluyang nagmartsa pagtungo sa Mendiola. Sa pagtaya ng MPD, nasa 3,000 ang mga raliyistang lumahok sa naturang rally.
Nagkaroon din ng rally sa People Power Monument sa EDSA na nilahukan ng nasa 5,000 katao hanggang sa maitala na 4,500 bandang alas-4 ng hapon.
Binigyan-diin naman ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ang maayos at payapang rallly ay bunsod ng maagap na pagpaplano ng PNP.
Dagdag pa ni Remulla na ipinagmamalaki niya ang PNP dahil sa ginawa nilang mabuti ang kanilang tungkulin bagama’t delikado. Nangingibabaw pa rin ang serbisyo.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi tutol ang lokal na pamahalaan sa pagdaraos ng kilos protesta at handa silang ipagkaloob dito ang kahalintulad na assistance na ipinagkaloob nila sa idinaos na September 21 rally, gayundin sa 2-araw na peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC).
Gayunman, ang Roxas Boulevard aniya ay nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng MMDA habang ang Luneta naman ay nasa pangangasiwa ng National Parks and Development Committee (NPDC).
Pinayuhan rin naman aniya nila ang mga raliyista na direktang makipag-ugnayan sa MMDA at NPDC hinggil sa kanilang kilos-protesta para sa kaukulang permit.
Matapos naman ang programa sa Luneta ay nagmartsa ang grupo patungong Mendiola, na mahigpit na binabantayan ng mga pulis dahil off limits ito sa mga raliyista, bago tuluyang mapayapang nag-disperse dakong alas-2 ng hapon.
Kabilang sa mga grupong lumahok sa kilos-protesta ay kumakatawan sa kabataan, kababaihan, mga guro, health professionals, relihiyoso, artists, manggagawa, magsasaka, seniors, environmentalists, at transport groups.
Kasama sa kanilang panawagan ay pagkakaroon ng transparency sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa maanomalyang flood control projects sa bansa, pagbibitiw ng pangulo, ikalawang pangulo at iba pang opisyal na sangkot sa mga naturang proyekto at pagtatayo ng National Transition Council.
- Latest

















