ICC ibinasura interim release ni Duterte

MANILA, Philippines — Mananatiling nakakulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa detensiyon ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague matapos tuluyang ibasura ang kanyang apela para sa pansamantalang paglaya.
Pinagtibay ng appeals chamber ng ICC nitong Biyernes, Nobyembre 28, ang naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber 1 na tumangging pagbigyan ang temporary release ng dating pangulo.
Ang desisyon ay binasa sa isang open court ni presiding judge Luz Del Carmen Ibañez Carranza, pinuno ng appeals chamber.
Dumalo ang abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman.
Nauna rito, nagdesisyon si Duterte na i-waive ang kanyang karapatan na dumalo sa tribunal.
Matatandaan na hiniling ng kampo ni Duterte ang pansamantalang paglaya sa isang hindi binanggit na bansa.
Ang interim release ay ibinibigay ng ICC sa mga detainees na mapapatunayan na hindi nila tatakasan ang kinakaharap na kaso at hindi ilalagay sa alanganin ang imbestigasyon.
Kinatigan ng Appeals Chamber ang kabuuan ng desisyon ng pre-trial chamber at sinabing nabigo ang defense team ni Duterte na ituro kung ano ang pagkakamali sa naunang desisyon.
- Latest




















