DBM naglaan ng P1.28 trilyon para sa edukasyon
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Budget and Management na makatatanggap ang sektor ng edukasyon ng record-high na P1.28 trilyon sa House-approved Fiscal Year 2026 national budget, ang kauna-unahang pagkakataong umabot at lumagpas ang pondo sa 4% ng Gross Domestic Product ng bansa.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang naturang alokasyon ay patunay ng matatag na paninindigan ng pamahalaan na gawing pangunahing puhunan ang edukasyon para sa pangmatagalang pag-unlad ng Pilipinas.
“Pinapakita nitong pag-abot natin sa 4% kung gaano kaseryoso ang gobyerno sa pag-invest sa ating education system. Hindi po tayo tumigil sa pag-prayoridad sa ating mga guro, mag-aaral, classrooms, at skills training,” sabi ni Pangandaman.
Isa ito sa pinakamalalaking education budgets sa kasaysayan ng bansa. Mula sa orihinal na P1.224 trilyon sa National Expenditure Program (NEP), nagdagdag ang House of Representatives ng P56.6 bilyon kaya’t umabot ang kabuuan sa P1.28 trilyon o 4.1% ng GDP.
“Ang milestone na ito ay tugma sa rekomendasyon ng UNESCO na ang education financing ay dapat nasa pagitan ng 4% hanggang 6% ng GDP o 15% hanggang 20% ng kabuuang public spending,” dagdag niya.
Sasaklawin ng pondo ang buong education sector: DepEd, State Universities and Colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Ibig sabihin, nakakahabol na tayo sa level ng maraming developed countries pagdating sa investments sa edukasyon. Kung ang ekonomiya ang katawan, ang edukasyon ang puso. Sisiguraduhin nating malusog at patuloy na tumitibok ang puso ng ating bansa,” ani Pangandaman.
Para mas palakasin ang imprastrukturang pang-edukasyon, P35.1 bilyon mula sa dagdag na P56.6 bilyon ay inilipat mula sa ilang adjustments sa Department of Public Works and Highways (DPWH) partikular mula sa flood control projects upang palakasin ang Basic Education Facilities Fund (BEF).
Umakyat sa P1.38 trilyon ang kabuuang education sector budget katumbas ng 12% ng national budget at 4.5% ng GDP, ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.
Sa halagang iyon, P992.7 bilyon ang mapupunta sa DepEd, 8.6% na pagtaas o dagdag na P78.5 bilyon. Malaking bahagi nito ay para tugunan ang matagal nang kakulangan sa basic education lalo na ang backlog sa classrooms. P68 bilyon naam ang inilaan para sa pagpapatayo ng 19,000 hanggang 27,000 bagong silid-aralan sa buong bansa.
Palalakasin din ang suporta para sa mga mag-aaral. Ang School-Based Feeding Program ay dodoble mula P13 bilyon tungo sa P28.66 bilyon na magagamit sa loob ng 200 school days at makinabang ang humigit-kumulang 4.8 milyong bata.
Binigyang-diin ni Pangandaman na nakahanay ang 2026 budget sa layunin ng Philippine Development Plan 2023 - 2028 at sa Bagong Pilipinas vision ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong magkaroon ng isang Pilipinas na mas makabago, mas competitive, at mas inklusibo sa pamamagitan ng matatag na sektor ng edukasyon.
- Latest






















