Enrile pumanaw na sa edad 101
MANILA, Philippines — Sumakabilang buhay na si Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile sa edad na 101.
Sa facebook post ng anak ni Enrile na si Katrina Ponce Enrile, dakong alas-4:21 ng hapon, Nobyembre 13, 2025 pumanaw ang kanyang ama sa kanilang bahay.
Ito raw ang kagustuhan ni Enrile, na makapiling ang kanyang pamilya sa kanyang huling sandali.
“It was his heartfelt wish to take his final rest at home, with his family by his side. We were blessed to honor that wish and to be with him in those sacred final moment,” pahayag ni Katrina.
Isinasapinal pa rin aniya ang mga detalye tungkol sa public viewing at kanila itong iaanunsyo sa publiko para sa lahat ng mga nagnanais na magbigay galang sa yumao.
“On behalf of our family, I extend our deep gratitude for the overwhelming love, prayers, and support we have received during this difficult time. Your kindess means more than words can express,” saad ni Katrina.
Si Enrile na kilala bilang “JPE” ay ipinanganak noong Pebrero 14,1924 at tubong Cagayan. Nagtapos siya ng abogasya bilang Cum Laude sa University of the Philippines at may Masters din sa Harvard Law School.
Isa siya sa naging mukha ng Martial Law at naging bahagi ng EDSA People Power revolution noong 1986.
Apat na beses din siyang naluklok na Senate President mula 2008-2013.
Sa post naman sa social media ni Pangulong Marcos, nagpasalamat ito kay Enrile.
“Maraming salamat, Tito Johnny. Paalam at salamat sa isang buhay na buong puso mong inalay para sa bayan,” pahayag ng Pangulo.
Si Enrile ay namatay dahil sa pneumonia.
- Latest


















