Paghina ng ekonomiya ‘di lang dahil sa korapsyon
MANILA, Philippines — Hindi lamang dahil sa isyu sa korapsyon kaya humina ang ekonomiya ng Pilipinas.
Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bukod sa korapsyon, nakaranas din ang bansa ng magkakasunod na kalamidad tulad ng bagyo, lindol at ilang araw na walang trabaho dahil sa epekto na rin ng climate change.
Bukod dito ayon sa Pangulo, mayroon ding pandaigdigang problema na nakakaapekto sa mga ekonomiya ng iba’t ibang bansa kaya hindi lamang ang Pilipinas ang nakararanas sa epekto ng bagong istraktura sa kalakalan kundi ng buong mundo.
“You have to remember it’s not only because of these problems. Yung bagyo, yung nawala na working days sa ano natin sa ekonomiya because of climate change,” ayon pa kay Marcos.
Nag-aadjust din aniya ang gobyerno dahil bumabagsak ang paglago ng pandaigdigang ekonomiya kaya maraming mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan.
Tiwala naman ang Pangulo na makakabawi ang Pilipinas bago matapos ang taon dahil tataas na ang paggastos ng publiko dahil sa nalalapit na holiday season.
Base sa pinakahuling datos, nakapagtala ang bansa ng pinakamababang halaga ng piso nitong Miyerkules kung saan naitala lamang sa 4% ang gross domestic product para sa ikatlong quarter ng taon.
- Latest



















