Uwan pinahina ng Sierra Madre

MANILA, Philippines — Marami ang naniniwala na isinalba ng Sierra Madre ang ilang lugar sa bansa partikular ang Metro Manila kung saan binasag nito ang mata ng super typhoon Uwan upang hindi maramdaman ang pananalasa bago pa man magland-fall.
Ang Sierra Madre na itinuturing na “backbone ng Luzon” dahil sa pagsalag nito sa mga bagyo bago pa man umabot sa kapatagan ang pinakamahabang bulubundukin sa buong Pilipinas na may habang 540 kilometro mula Cagayan sa norte hanggang Quezon sa timog na parte ng Luzon.
Tinukoy din ng Climate Change Commission ng Pilipinas ang Sierra Madre bilang natural fortress at first line of defense ng Luzon laban sa mga kalamidad.
Ayon sa mga netizen, sa kabila ng mga pagwasak sa kabundukan, pinili pa rin ng Sierra Madre na protektahan ang mga mamamayan ng Luzon mula sa hagupit ni Uwan.
Naging laman din ng Facebook ang mga papuri at pasasalamat sa Sierra Madre gayundin sa Cordillera Range at Caraballo Mountain na naging proteksiyon laban sa hagupit ng naturang bagyo.
Bunsod nito, muling nabuhay ang mga panawagan na protektahan at isalba ang mga kabundukang mula sa mga iligal na pagmimina at pagtotroso, pinaniniwalaang protektor o pananggalang laban sa pananalasa ng super typhoons.
Samantala, nilinaw naman ng storm chaser na si Josh Morgerman na kasalukuyang nasa bansa, ang misconception hinggil sa Sierra Madre.
Aniya, napapahina ng Sierra Madre chain ang mga bagyo “matapos” maglandfall sa east coast ng Luzon. Hindi aniya prinoprotektahan ng naturang mga bulubundukin ang east coast ng Luzon na regular na nakakaranas ng ilan sa malalakas na epekto ng mga bagyo sa buong mundo.
Ipinaliwanag naman ni Cebu Archbishop Alberto Uy, na ang mga kagubatan ay may mahalagang papel sa pagpigil ng pagbaha dahil ang mga ugat ng puno ay sumisipsip ng tubig-ulan, habang ang mga sanga at dahon ay nagbibigay ng proteksyon sa kapaligiran at sa mga komunidad.
Gayunman, binigyang-diin ng arsobispo na patuloy na nasisira ang likas na yaman dahil sa walang habas na pagmimina, illegal logging, at iba pang gawaing nakapipinsala sa kalikasan, mga sanhi ng flashfloods, malawakang pagbaha, at pagguho ng lupa tuwing may kalamidad.
Samantala, nanawagan naman si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, para sa paghihilom ng mga kabundukan lalo na ang Sierra Madre na pangunahing proteksyon ng mga tao laban sa malalakas na bagyo.
Giit pa niya, panahon na upang tulungan ang Sierra Madre na makapaghilom. “Let us not exhaust the mercy of Sierra Madre — let us help her heal.”
- Latest


















