‘Bagyong Tino sinubok ang flood control sa Cebu’

MANILA, Philippines — Hindi pa man nakakabangon mula sa pagyanig ang Cebu Province at bago pa man maghilom ang mga bitak sa kalsada at sugat ng trahedya, dumating si Bagyong Tino.
Mas matindi sa inasahan dahil hindi lamang sa bilis ng hangin sinusukat ang lakas ng bagyo, kundi sa dami ng tubig na dala nito—at si Tino ay may dalang higit pa sa kayang pasanin ng Cebu.
Ayon kay Governor Pam Baricuatro, mas maraming tubig ang dala ni Tino kumpara kay Odette. Ngunit nang tanungin niya, “Nasaan ang P26 bilyong flood control?”—mga eksperto ang nagsabing hindi ito dapat gawing paninisi.
Ayon kay Andres Tiangco ng Truth and Integrity Network (TIN) at Dr. Paul Martinez ng RPMD Foundation Inc., totoo at nakikita ang mga proyekto ng flood control sa Cebu—“walang ghost projects dito,” anila. Ngunit bakit bumaha pa rin? Ang problema, ayon kay Tiangco, ay hindi sa katiwalian kundi sa luma nang disenyo. Karamihan sa mga flood control ay “Level 1,” na kayang humawak ng hanggang limang metro ng tubig; may ilang “Level 2” na hanggang 10 metro. Pero si Tino, umabot sa 12 metro—lagpas sa inaasahan ng mga lumang disenyo.
“Hindi dapat sisihin ang mga kontratista,” paliwanag ni Dr. Martinez. “Sinunod nila ang disenyo at pamantayan na ipinasa ng gobyerno. Ang kailangan ngayon ay pag-update, hindi sisi. Dapat nang baguhin ng DPWH ang mga disenyo at itaas sa Level 3 o mas mataas pa, upang kayanin ang higit 12 metro ng tubig—kasama na ang mga pagbabago sa klima, mga salik sa kapaligiran, at mga gawa ng tao gaya ng mabilis na urbanisasyon at pagkalbo ng kagubatan.”
Dagdag pa niya, hindi ito pagkukulang ng DPWH kundi panahon na upang umayon ang disenyo sa mga bagong hamon ng panahon.
Habang patuloy ang pagkawala ng puno at quarrying sa kabundukan, mas nagiging marupok ang kalikasan.
- Latest



















