Pahayag ni Sara, Baste ginamit ng ICC vs Digong

MANILA, Philippines — Isinaalang-alang ng International Criminal Court (ICC) ang mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte at ang political role ng kanyang kapatid na si Davao City Vice Mayor Sebastian Duterte sa pagdedesisyon na huwag pagbigyan ang kahilingan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya mula sa detention.
Sa 23-pahinang desisyon, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na si Duterte ay nananatiling “flight risk” at potensyal na banta sa mga testigo bukod pa sa posibleng gawin muli nito ang mga krimen na ibinibintang sa kanya.
Sinabi rin ng korte na ang mga pampublikong pahayag at posisyon ng kanyang mga anak ang nagpatibay sa panganib na hindi humarap sa paglilitis ang dating pangulo at maiwasan ang “commission of related crimes.”
Binanggit sa desisyon ng ICC ang mga pampublikong pahayag ni VP Sara, na nagbirong sinabi sa mga tagasuporta noong Hulyo na itatakas ang ama at patuloy na nanindigan na kinidnap ang ama kaya nadala sa The Hague.
Sinabi ng korte na ang mga pahayag na ito, pati na rin ang kanyang pag-aangkin sa ibang pagkakataon na ang kanyang ama ay nais na bumalik sa Davao City kung makalaya, ay sumalungat sa pahayag ng depensa na si Duterte ay mananatili sa host country na itinalaga ng korte.
“The foregoing illustrates Mr. Duterte’s rejection of the proceedings against him before the Court, and the will of his close family to help him elude detention and prosecution,” anang mga judges.
Tinukoy din ng desisyon ang impluwensyang pampulitika ni Duterte, na nananatiling malakas dahil sa mataas na posisyon ng kanyang pamilya.
Napansin ng korte ang kasalukuyang tungkulin ni Baste bilang acting mayor ng Davao City, isa sa mga lugar ng umano’y extrajudicial killings. Ang kanyang lokal na impluwensya ay nagpapalaki ng panganib na ang nakatatandang Duterte ay maaaring gumamit ng mga lokal na network upang iwasan ang hustisya.
Maging ang argumento ng depensa tungkol sa kalusugan at edad ni Duterte ay isinantabi sa inilabas na desisyon.
Bagaman at nagsumite ng medical reports ang mga abogado ni Duterte na nagsasabing mahina na ito at hindi na maayos ang kalusugan, sinabi ng ICC na hindi napatunayan sa dokumento na hindi na ito “flight risk” dahil lang sa isyu ng kalusugan.
Hindi rin tinanggap ng chamber ang 16 na panukalang kondisyon para pansamantalang mapalaya si Duterte kabilang na ang “electronic monitoring, restricted movement at communication limits.”
- Latest



















