Castro, Magalong may ‘word war’
MANILA, Philippines — Binuweltahan ni Communications Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Huwebes si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ayon sa kanya ay hindi dapat naghahasik ng kontrobersya ng walang ebidensiya.
Nauna rito, sinabi ni Magalong na si Castro ang nag-trigger sa kanyang pagbibitiw bilang special adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Nainsulto si Magalong matapos ipahayag ni Castro sa isang press conference noong nakaraang buwan na wala siyang awtoridad na mag-imbestiga at ang kanyang appointment ay nasa ilalim ng pagsusuri.
Duda rin si Magalong na may mga personalidad na gusto siyang mapaalis sa komisyon na nag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects.
Ayon naman kay Castro, hindi dapat gumawa ng intriga si Magalong.
“Huwag po niyang bigyan ng intriga na mayroong nag-utos sa akin na ibang tao. Kaya sabi nga natin, iwasan natin ang kuwentong walang ebidensiya,” ani Castro.
Tinanong din ni Castro kung nasaan ang papel ni Magalong.
“Nasaan nga po ba ang sinasabi nating papel na siya ay tinalaga ng Pangulo na imbestigador?” tanong ni Castro.
Inihayag ni Magalong ang kanyang pagbibitiw sa ICI noong nakaraang buwan matapos ipahayag ng Palasyo na ang kanyang appointment ay nasa ilalim ng pagsusuri dahil sa posibleng conflict of interest.
Ang pagkakatalaga ni Magalong sa investigating body ay umani rin ng kontrobersya matapos kwestyunin ng ilang kampo ang P110-million tennis court at parking building sa Baguio City na iginawad sa St. Gerrard Construction Corporation.
Ang St. Gerrard ay isa sa mga kumpanyang naka-link kina Sarah at Curlee Discaya, na kabilang sa mga personalidad na naging instrumento sa kontrobersya sa flood control projects.
Iginiit naman ni Magalong na nasunod ang legal procedures sa naging aksiyon ng Bids and Awards Committee (BAC) kaugnay sa sinasabing proyekto.
- Latest


















