Pagbawi ng birth cert ni Alice Guo ‘landmark victory’ – BI
MANILA, Philippines — Itinuring ng Bureau of Immigration (BI) na landmark victory ang pagpapawalang-bisa ng Tarlac court sa birth certificate ng pinatalsik na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sinabi nitong Linggo ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, na nagsisilbing mensahe ang desisyon na “guiding precedent” upang huwag pamarisan ng mga dayuhan na nagtatangkang kumuha ng dokumento ng pagkakakilanlan kahit hindi tunay na Pilipino.
“We will not allow the sanctity of our nation’s civil registry and identity system to be compromised. This decision reinforces the President’s call to protect our sovereignty, our borders, and the integrity of our institutions,” ani Viado.
Kasunod ito ng pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong nakaraang linggo na ang birth certificate ni Guo ay idineklara na walang bisa ng Tarlac City Regional Trial Court Branch 111 noong Setyembre 24, 2025, isang taon matapos itong i-endorso sa Office of the Solicitor General.
Ang pagkamamamayan ni Guo ay kinuwestiyon dahil sa kanyang hindi magkatugma na mga testimonya tungkol sa kanyang background at ang kanyang mga link sa mainland China, at ang mga kahina-hinala na mga dokumento tungkol sa kanyang pagkamamamayang Pilipino.
Inimbestigahan din siya dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
Si Guo ay nahaharap sa humigit-kumulang 87 bilang ng money laundering, kasama ang reklamo ng human trafficking kaugnay ng raid.
Una rito, naglabas ng warrant of arrest ang Tarlac Regional Trial Court Branch 109 laban kay Guo para sa kasong graft.
- Latest
















