Paolo hahagupit sa Northern Luzon

MANILA, Philippines — Bahagyang lumakas ang bagyong Paolo habang kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran sa Philippine Sea.
Ayon sa 5 pm update, ang sentro ng bagyo ay namataan sa 480 kilometro silangan ng Infanta, Quezon taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometro bawat oras at pagbugso na umaabot sa 105 kilometro bawat oras.
Si Paolo ay inaasahang mag-landfall sa Isabela-Aurora area ngayong Biyernes ng umaga.
Ang bagyo ay may dalang malakas na pag-ulan, malakas na hampas ng hangin at posibleng magdulot ng storm surge.
Oras na lumampas sa landmass ng Northern Luzon, didiretso ito sa West Philippine Sea ngayong Biyernes ng umaga at patuloy na kikilos pakanluran hilagang kanluran hanggang sa lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado, Oktubre 4.
Sa media briefing, sinabi ni Dr. Marcelino Villafuerte ng PAGASA na hindi naman apektado ni Paolo ang Metro Manila. Hindi rin palalakasin ng Habagat si Paolo dahil anya’y nasa transition period na ngayon ang paghina ng habagat at posibleng pumasok ang amihan o malamig na hangin mula sa silangan.
- Latest




















