^

Bansa

Lindol sa Cebu: 69 patay, 175 sugatan!

Angie dela Cruz, Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon
Lindol sa Cebu: 69 patay, 175 sugatan!
Nakahilera sa labas ng isang ospital ang mga nasawi sa 6.9 lindol na tumama sa Bogo City, Cebu. Ang mga biktima ay mula sa Bogo City, Medellin, at San Remegio na dinala sa Bogo Provincial Hospital.
CTTO

Niyanig ng magnitude 6.9

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 69 katao ang nasawi habang 175 pa ang nasugatan sa magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Administration Bernardino Rafael Alejandro IV, marami pang bangkay ang narekober ng rescue team sa mga gumuhong gusali at mga bahay na nabagsakan.

Sa Bogo City pa lamang na epicenter ng lindol ay nasa 30 katao na ang narekober na bangkay kabilang dito ang tatlong Coast Guard personnel, isang bumbero at isang bata.

Kabilang pa sa mga nasawi ay 22 sa San Remegio, 10 sa Medellin, 5 sa Tubogon, isa sa Sogod at isa sa Tabuelan.

“We are receiving additional numbers of reported casualties. Kaya very fluid pa po,” sabi ni Alejandro.

Tumama ang magnitude 6.9 earthquake sa Bogo City dakong 9:59 ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Unang naitala ang lakas ng lindol sa magnitude 6.7 bago itinaas sa 6.9. Nasa lalim ito ng 5 kilometro at tectonic ang origin.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV, sa Bogo City na sentro ng lindol ay nakahilera umano sa labas ng isang ospital ang mga nasawi. Marami ring lumang gusali, kabilang ang mga simbahan ang napinsala ng lindol.

Siksikan na rin ang mga pasyente sa mga ospital sa dami ng isinusugod na mga sugatang biktima. Nasa 1,000 katao naman ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Naramdaman hanggang sa Visayas Region at Bicol Region ang pagyanig. Nakapagtala na ang Phivolcs ng 848 aftershocks.

Inilagay naman sa yellow alert ang Visayas power grid matapos mawalan ng suplay ng kuryente sa ilang planta dahil sa lindol.

Suspendido rin ang klase sa paaralan at trabaho sa ilang lugar na apektado ng lindol.

Nagkukumahog na rin ang rescue teams upang maialis ang mga survivors sa mga bumagsak na gusali at maisugod ang mga na­sugatan sa pagamutan.

Samantala, minobilisa na ni Cebu Governor Pamela Baricuatro ang provincial medical teams at umapela rin sa mga volunteers na tumulong sa mga biktima ng malakas na lindol na tumama sa kanilang lalawigan.

Kaugnay nito, tumulak na si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., chairman ng NDRRMC, kasama ang iba pang mga opisyal upang personal na magsagawa ng assessment sa naging pinsala ng lindol sa Cebu.

Tiniyak naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang mga gastusin sa pagamutan ng mga taong nasugatan dahil sa lindol. — Mer Layson

BOGO CITY

CEBU

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with