De Lima kay VP Sara: Akala mo lusot ka na
Akala mo lusot ka na!
MANILA, Philippines — Ito ang mariing patutsada ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima laban kay Vice President Sara Duterte matapos itong makiisa sa malawakang kilos protesta nitong Linggo ( Setyembre 21) laban sa multi trilyong korapsyon sa flood control projects.
Si De Lima ay nagbabala sa mga Pilipino laban sa ilan umanong mga personalidad na nagsasamantala sa galit ng taumbayan sa gobyerno para sa kanilang personal na pag-angat tulad umano ni VP Sara.
“Pakiusap ko lang po: Pag-alabin natin ang ating galit hindi para humantong sa dahas o karahasan, kundi para sa pananaig ng hustisya at batas. Alam natin na may mga gustong magkagulo tayo. Nakita natin ang nangyari sa Indonesia at Nepal, pero hindi po ibig sabihin nun ay magpapagamit tayo sa mga umeepal at may pansariling agenda,” pahayag ni De Lima sa paglahok nito sa Luneta rally.
Sinabi ni De Lima na ninakawan na nga ang kaban ng bayan ay nais pang i-hijack ang prinsipyo ng mga Pilipino kaya hindi dapat magpaloko sa mga ito.
“Isa ka na dyan Sara Duterte! Akala mo lusot ka na? Natabunan man ang impeachment, hinding-hindi kami nakakalimot. Huwag kang magmalinis. Isa ka rin sa dapat managot!” punto ni De Lima.
Si De Lima, dating Kalihim ng Department of Justice ay isa sa mga itinalagang prosecutor sa kaso ng impeachment na inihain ng Kamara laban kay VP Sara.
Gayunman, noong Hulyo ay naunsyami ang impeachment matapos sabihin ng Korte Suprema na unconstitutional umano ito. Naghain naman ang Kamara ng Motion for Reconsideration (MR) bagaman wala pang tugon ang Korte ukol dito.
Dahil dito ang panibagong impeachment na maaring ihain laban kay VP Duterte ay sa Pebrero 6, 2026.
Binigyang-diin naman ni De Lima na dapat managot sa batas ang lahat ng sangkot sa korapsyon sa flood control projects kung saan sa Bulacan pa lamang aniya ay isang lamesa ng pera ang pinaghatian ng mga kurakot.
- Latest


















