PCG: Pagtama ng BFAR vessel sa Chinese ship, ‘di sadya

MANILA, Philippines — Mariing pinabulaanan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang alegasyon na sinadya o intensiyonal ang pagtama ng isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa isang barko ng China Coast Guard (CCG) sa Scarborough Shoal.
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na walang katotohanan ang pahayag ng Beijing na sinadyang banggain ng BRP Datu Gumbay Piang ng BFAR ang isang CCG ship noong Martes.
Paliwanag ni Tarriela, stationary o nakatigil lamang ang barko ng BFAR, na binomba ng tubig ng dalawang barko ng CCG.
Bigla aniyang nagsagawa ng sharp turn ang CCG vessel, na nagresulta sa pagtama nito sa bow ng barko ng BFAR.
“So, there was no collision. It was their own, like parang ‘bump me’ something,” aniya pa.
Nagsasagawa ng resupply mission ang BRP Datu Gumbay Piang nang maganap ang pangha-harass dito ng mga barko ng CCG.
Nagresulta umano ito sa pinsala sa barko at pagkasugat ng isang tripulante nito.
- Latest



















