Pangulong Marcos, FL biyaheng Cambodia
MANILA, Philippines — Inaasahan na ilang kasunduan ang lalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia kaugnay sa paglaban sa transnational crimes at pagpapaunald ng mataas na edukasyon sa state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang bansa.
Sinabi ni DFA spokesperson Angelica Escalona, ang pagbisita ng Pangulo at FL Liza ay gaganapin mula Setyembre 7-9, alinsunod sa paanyaya ni His Majesty Preah Bat Samdech Preah Boromneath Norodom Sihamoni, Hari ng Cambodia.
Pagdating sa Cambodia, pormal na sasalubungin sina Pangulong Marcos at Unang Ginang ng pansamantalang Head of State at Senate President na si Samdech Akka Moha Sena Padei Techo Hun Sen at ng kaniyang asawa na si Samdech Kittiprittbindit Bun Rany Hun Sen, sa ngalan ng Hari.
Habang magkikita rin si Pangulong Marcos at Prime Minister Samdech Moha Borvor Thipadei Hun Manet para sa isang bilateral meeting na tatalakay sa pagpapalawak ng kooperasyon sa paglaban sa transnational crimes at pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa.
Kabilang sa mga inaasahang tatalakayin sa pagpupulong ay ang mga usapin ukol sa agrikultura, mataas na edukasyon, turismo, at kooperasyong pangkultura.
Bukod dito, inaasahang makikipagkita rin ang Pangulo sa Filipino community sa Cambodia, na karamihan ay nagtatrabaho sa sektor ng edukasyon at serbisyo.
Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit 7,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Cambodia.
- Latest
























